Tuesday, December 15, 2009

ANO ANG EPEKTO NG PASKO SA MGA PINOY?






December 25 ang eksaktong petsa ng kapaskuhan, pero dito sa Pinas halos apat na buwan natin nararamdaman ito.

Sabi nga ng karamihan, kapag sumapit na ang "BER" months ay simula na ng Pasko. Kaya nman September 1 pa lang ay kanya-kanya ng patugtog ng mga paborito nating Christmas songs.

Sa bahay, abalang-abala na si Nanay sa paglilinis ng bahay at si Tatay naman ang bahala sa bagong pintura ng bahay. May mga nagpapaayos na ng garden...pagandahan ng landscape para sa mga taong nagdadaan na makakakita nito. Inihahanda na rin ang mga kurtina, carpet, cover ng sofa at throw pillow na tuwing Pasko lang pwedeng gamitin. Inihahanda na rin ang Christmas tree at Christmas decors.

Paglabas ng bahay, mapapansin mong lagi ng malinis ang inyong basurahan. Kasi naman napapadalas na ang pangungulekta ng truck ng basura na sa huling linggo bago mag-Pasko ay aabutan kayo ng sobre na may nakasulat na "Merry Christmas... from Garbage Truck no. ___". Syempre sasabihin nila sa inyo kung kelan nila iyon babalikan. Pagdating mo sa gate ng subdivision, malayo pa lang ay matatanaw mo na ang naglalakihang ngiti ng mga guards. Masisipag na sila ngayong sumaludo sa lahat ng pumapasok at lumalabas. At kahit walang sticker ay hindi na nila sinisita, sa halip ay binabati pa nila ng "Good Morning Po Maam/Sir". Ayos di ba?

Sa kalye naman, laganap na ang masasamang loob. Mga snatcher, mandurukot, holdaper, kidnaper at mga mapagsamantala. Panahon na kasi ng pagdi-dilihensya para sa nalalapit na Pasko. Marami ng bangko ang pinapasok ng mga sindikatong holdaper. Laganap na rin ang kidnapping at hostage drama. Maraming taong umuuwing luhaan dahil nadukot ang cellphone o wallet nila habang nasa byahe. Di man gaano nakakatuwa ang epekto ng Pasko sa kalye ay may magandang bagay pa rin itong ibinibigay. Ito ay ang pagsusulputan ng mga naggagandahang Parol na makikita sa gilid ng mga daan na animoy nang aakit sa ating mga mata. Makikita mo ang husay ng mga pinoy sa paggawa ng iba't ibang disenyo na nilagyan pa ng sangkatutak na tila sumasayaw na mga ilaw. Ito ang nagiging instrumento upang malibang tayo at malimutan pansamantala ang mga problemang dinadala habang tayo'y nagbabyahe sa daan.

Sa opisina ganito naman ang eksena, mapapansin mo na marami ng tumatawag sayo na Mare at Pare na dati naman ay tinatawag ka sa pangalan mo. Marami na ring nagdadala at nagpapakita ng pictures ng mga anak nila, lalo na sa mga Ninong at Ninang. Para nga naman alam na nila ang size ng inaanak nila kapag bibilhan nila ng regalo. Sikat na ang Payroll department kasi madami ng nagtatanong sa kanila kung kailan ibibigay ang bonus at 13th month pay. Busy na rin ang mga organizer ng Christmas party. Unti-unti na rin lumalaki ang gastos mo. Simula sa contribution sa office Christmas decor, contribution sa Christmas party, pang kris kringle, pang exchange gift, pambili ng costume o outfit sa party at pambili ng mga giveaway gifts sa mga officemates.
Mapapansin mo rin na marami na ang umaabsent at nagli-leave. Laging may sakit ang dahilan pero nasa mall lang pala at nagsho-shopping. Ang maganda lang nito kapag malapit na ang Pasko, Mabait na sayo ang lahat. Pati mga kaaway mo ay nginingitian ka na kapag nagkakasalubong kayo. At di lang yun, kapag malapit na ang Pasko ay nagiging masipag na ang lahat. Kahit anong report ang ipagawa ng Boss ay walang reklamo ang empleyado. Mapapansin mo rin na napapadalas ang paglilinis at pagkuha ng basura sa trash can mo ng inyong Janitor. Eto pa, madalas ka na rin pinagbubuksan ng pinto at tinutulungan sa mga dala mo ng mga guards sa office nyo. O di ba?...nagbabago ang lahat kapag Pasko!

Pero ano nga ba ang nagagawa ng Pasko sa buhay natin? Sa mga nasa abroad at malayo sa kanilang mga mahal sa buhay, ito na ang simula ng madalas nilang pananahimik. Sabi nga ng iba, madalas na daw na senti ang mga tao. Umiiyak sa gabi dahil sa lungkot na maisip mong di mo sila makakasama sa darating na Pasko.

Sa mga nagtatrabaho dito sa Pinas, medyo kabado na kasi hindi nila sigurado kung maibibigay bago magPasko ang kanilang bonus dahil doon nakasalalay ang kanilang Noche Buena. Mahaba na ang listahan ng mga inaanak na bibigyan ng regalo pati na rin ang mga bibilhing lulutuin sa bisperas ng Pasko. Napakarami ng sale sa mall, unti-unti ng nagsusulputan ang mga tiangge sa mga bakanteng lote. Pero para kang nakatali na hindi makakilos dahil hindi pa ibinibigay ang inyong bonus. Sabayan pa ng madalas na pate-text ng inyong mga inaanak....haaayyyy.....Pasko na nga!

Sa mga nagmamahalan, isa itong napakahalagang araw sa kanila. Ito ang madalas na hinihintay na pagkakataon para maipakilala nila sa kanilang pamilya ang kanilang girlfriend at boyfriend. Pero kasabay nun ang gastos dahil syempre kailangan mong bilhan ng regalo ang bawat isa sa pamilya ng mahal mo. Dahil siguradong ine-expect nila yun kapag nagpunta ka sa kanila sa Pasko.

Sa pangkalahatan, ano nga ba ang dulot ng Pasko sa buhay natin? Simple lang....pagbabago! Maging masama man ito o mabuti, ang mahalaga pagsapit ng Pasko ay iisa lang ang ating hangarin. Ang maging maligaya at ipagdiwang ang kaarawan ni Hesus kasama ang mga mahal natin sa buhay. Iba iba man ang estado natin sa buhay, pagdating ng Pasko iisang mukha nalang tayo, mga anak ng Diyos na naghahangad ng magandang pagbabago sa mundo.

By: Jem Rivera